Kamusta mga mag-aaral!
Ako si BOB ONG isang MANUNULAT, at inimbitahan ako sa paligsahan niyo ngayon. Para magbigay ng inspirasyon sa tatalakayin niyong paksa. Pero kailangan niyo pa ba ng inspirasyon? sana hindi, dahil wala akong maibibigay. Bilang manunulat, maraming kabataan ang nagtatanong sa akin: “Sir paano ba magsulat ng libro?” isa ito sa mga tanong na paborito kong hindi sinasagot. Dahil alam ko na ang batang may kinabukasan sa pagsusulat ay hindi nanghihingi ng sagot. Kundi naghahanap ng sagot. At bago nila umpisahan ang paghahanap, sinisiguro muna nilang tama ang inaalagaan nilang tanong. Salungat sa inaakala ng marami, hindi ko hangarin ang maipagbukas ng pinto ang mga kabataang tulad niyo. Dahil ang hinihingi ng mundo, ang kailangan ng bansa natin, ay mga mamamayang marunong sumipa sa mga saradong pinto. Mga mamamayang may paggalang sa tradisyon, perogumigiba ng bulok na sistema. Lipunang matapang at handa sapagbabago, pero may takot sa DIYOS. Bayang rebolusyonaryo, peromaingat, mapagmahal sa kapayapaan, at matalino. Isang bagong henerasyon na handang bumalik sa pagtatanim, at hindi patuloy na hihiga at nganganga na lang sa ilalim ng puno ng bayabas sa farmville. Ang totoo, sa tingin ko ay huli na ang lahat para sa inyo. Kung nandito kayo ngayon at kailangan niyo pa ng ibang tao na maghihimay ng paksa para sa inyo. Ang totoo, sa tingin ko ay mas makakabuti pang umuwi na lang kayo ngayon dahil wala naman kayong mapapala dito. Magkano ba ang premyo? meron ba? ano ang makukuha niyo pagkatapos? uunlad ba ang Pilipinas? Magbabago na ba ang mga Pilipino? Bubuti ba ang mundo? magiging manunulat na ba kayo? Kung ako sa inyo, aatras na lang ako. Malamang nung papunta kayo dito kaninang umaga, may mga nadaanan kayong kalalakihang tambay sa kanto, wala silang balak maghanap ng trabaho, at malamang hindi rin naman sila makakakita. Nakatira sila sa isang barangay na may mga pasugalangpag-aari ng kapitan nito, na alaga at protektado ng mga suhulang pulis. Malamang nakakita rin kayo ng mga rugby boys sa bangketa, na sa halip nasa paaralan at pinag-aaral ng mga magulang ay pakalat-kalat lang sa kalye habang nagdo-droga at namemerwisyo ng mga sidewalk vendor. Malamang nasaksihan niyo ito kanina, pati na ang mga abusadong motorista, mgamalalaswang billboards, smoke-velching na mga sasakayan, sira-sirang kalye, tubig-baha, nagkalat na squatter, mga negosyong walang permit,mga gusaling labag sa building code, mga ilegal na koneksyon ng cable TV, tubig, at kuryente, at maraming marami pang iba. Malamang ito ang sumalubong sa umaga ninyo kanina. Sa siyudad ng mga mayor na pabalik balik sa pwesto, at wala namang ginagawang makabuluhang proyekto opinagsusumikapang pagbabago. Ang mga taong nakita ninyo kanina, ang mga tsismosa, tambay, at lasenggero, pariwarang barangay captain, abusadong pulis, solvent boys, illegal vendors, walang pakundangang mga motorista, mapagsamantalang mga negosyante,corrupt public officials, mga inutil na ahensya ng pamahalaan, tamad na kabataan, manhid kababayan, at matagal ng natutulog na lipunan. Lahat sila walangPAKIALAM sa isusulat niyo. WALA. Hindi nila yan babasahin, hindi nila kayo paniniwalaan, wala sa kanilang magbabago. Titingin lang silang lahat sa saradong pinto at maghihintay na pagbuksan ng kung sinuman ang may gusto. Bat pa nga kayo magsusulat? bakit… nga ba… kayo… magsusulat? at para saan pa? Mga batang manunulat, may isang taong humarap din sa ganyang tanong. Higit isandaang taon na ang nakakaraan. Kinikilala natin siya ngayon bilang pambansang bayani. Paano man niya nalaman sa puso niya ang mga sagot sa kabila ng gutom, sakit, lungkot, takot, poot at mga pangambahangad kong mahanap niyo rin ito sa inyo. Tao ang gumagawa ng kultura at hindi kabaligtaran. Ang problemang tinatawag nating “sila” ay siya ring solusyon kung matutunan lang natin itong kilalanin sa tawag na “ako”. Hindi lahat ng aspeto ng isang kultura ay kapakipakinabang, ngunit hanggang bahagi ito ng pagtanggap ng hamon, pag-ako ng responsibilidad, at pagiging bukas sa mga repormang moral, sa kabila ng anumang balakid, muli at muli nitong maitatama ang sarili niya. Ang kultura, tulad ng tao, ay maaring magbago. Hindi man lahat ng sagot ay maaring hingin, maari naman itong hanapin. Hindi lahat ng saradong pinto ay maaring buksan, dahil ang iba ay maaring sirain. Pero bago manira, muli’t-muli niyo munang subukan ang susi na nasa inyong kamay. Ang pagsusulat hindi tungkol sa paghingi ng inspirasyon, kundi sa pagbibigay nito. Magsulat kayo ng parang ang lahat ay magbabasa, lahat ay maniniwala, at lahat ay magbabago. Dahil ito ang diwa at kapangyarihan ng pagsusulat. Magandang araw sa inyong lahat. God Bless.
( Ang mensaheng ito ay binigyang buhay ni Ginoong Pats Alcantara sa isang paligsahan sa “INKLING”. Sinadya ko po talagang piliting isulat ito ng mabasa mo. Pero kung gusto mong mapanuod ang video sa aktwal na pagbabasa ni G.Alcantara ay pindutin mo ito. http://www.youtube.com/watch?v=sUfDTywtQ3c )
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento