“Putang ina mo! Mabangga ka sana!”. Sigaw ng aleng karga ang kanyang anak habang bumababa ng dyip. Sabay sakay ko at sabay padyak naman ng driver na animo’y hinahabol ng demonyo sa sobrang bilis magpatakbo. Mabilis akong yumuko at pinunasan ng nangingitim na basahan ang paa ng mga pasahero. Kahit nakatsinelas yung iba, dadampian ko pa rin ng basahan. Kahit yung iba puti yung sapatos, dudumihan ko pa rin. Kailangan bayaran nila ang serbisyo ko sa paggawa ng wala. Uy! swerte ko, nandito na naman si kuyang tayu-tayu yung buhok, iniisa isa kaya niya yan? Lagi niya akong binibigyan ng piso eh. Sobra naman silang makakapit sa bakal, mabilis pa rin bang magpatakbo yung piloto? bakit pakiramdam ko mabagal? Siguro umeepekto na ang inalmusal kong kemikal na nasa supot. “boy, oh”. Salamat at binigyan din ako ng tatlong pasaherong naawa sakin. Anim na piso rin ‘to. Si kuyang tayu-tayu ang buhok inaabutan ako ng tinapay, sabog ba ‘to? kinuha ko na rin. Bigla kong narinig ang sigaw ng driver, “hoy! Bumaba kana ambaho mooo, sabog ka no? Amoy rugby ka!”. Bababa na nga ako hindi dahil sa utos ng hari. Bababa ako dahil mukhang wala ng magbibigay ng limos. Teka nga ? ininsulto ang kaluluwa ko ah? “Putang ina mo! Mabangga sana kayo”. Sabay baba ko sa dyip. Habang palayo ito sa akin ay sinaluduhan ko pa ito ng gitnang daliri ko.
Dito na lang ako tatambay sa ilalim ng hagdan, maya-maya lang maraming nurse students ang aakyat dito, hehe langit na naman. Ha? may rally na naman? Sasabay na naman ang ingay nila sa mga sasakyan. Nakakatawa sila, lagi silang nagpoprotesta, lagi naman silang pinagsasarhan ng gate at hinaharangan ng mga nakakasugat na tinik-tinik na bakal. Hindi man lang sila makalapit sa Malakanyang, nasaan ang demokrasya niyan?
Hayyy…. Kailangan makarami ako ngayon, kailangan masustentuhan ko ang bisyo ko. Kailngan makabili ako kahit maliit na bote ng rugby. Para hindi ako nakakaramdam ng gutom at sakit. Haha, I am superman pag may supply ng kemikal sa utak ko. Ayoko ng makisosyo sa mga tropa ko sa ruby, tenbits lagi eh.
Disisyete anyos na ako, first year high school lang ang natapos ko. Mahirap mag-aral ‘pag walang laman ang sikmura. Walang trabaho si nanay, ginagapang lang niya ang pag-aaral ko sa pamamasura. Lagi pa akong binubog-bog ni tatay, mamalimos na lang daw ako para may pang-inom siya. Tumakas na lang ako sa amin, kaysa siya ang umubos ng paghihirapan ko, ako na lang! Bumabagal na naman ang mga tao sa paligid ko. Hindi ko maramdaman ang init ng araw na tumatama sa balat kong puro tatoo. Makapagpa-tatoo nga ulit mamaya pag tapos kong suminghot, para mas maangas.Gayahin ko kaya istilo ng mga kapwa ko pulubi? Nagtatambol, nagsasayaw, kumakanta ng “nasaan ka na ba mahal ko?”. kaso wala akong talent na ganun eh. Pagpapaawa na lang talaga, pangungusap lang talaga sa mata ko na kailangan ko ng tulong kahit na masakit kami sa mata. Mangholdap na lang din kaya ako? Bigtime yung mga kaibigan kong holdaper laging busog, mas malaki pa ang kita. Hindi naman ako maabutan ng mga pulis, runner ako eh. Ilang oras na ba akong tulala? nagugutom na ako eh? may binigay pala sa aking tinapay. First time siyang nagbigay ng pagkain ah? naisip kaya niya na isa siya sa mga sumusuporta sa bisyo ko sa pagbibigay niya ng piso? lagot pag naisip niya yun? Nakakainggit naman sila kuya, masasarap yung pagkain nila, ako lagi na lang puro galing sa basura at tira-tira na lang. Kailan kaya may tutulong sa mga gaya ko? mukhang normal na lang naman sa mga tao at gobyerno ang kagaya naming mahihirap eh? matutupad pa kaya yung pangarap kong maging teacher? mukhang hindi na? wala na akong makitang pag-asa, wala naman nagbabago bukod sa pagtaas ng mga presyo. Lalo lang lumalala ang anggulo. Basta kahit ganito, mabubuhay pa rin ako. Kung may mababago sa bansa at mga kagaya ko, Swerte. Luha ba tong pumapatak sa pisngi ko? luha nga, kala ko ambon eh? Ilang beses na ba akong lumuha at pinunasan ito gamit ang basahang hawak ko ngayon? hindi ko na alam? Tangina this naman…
Kailangan ko na ulit mamalimos. ‘Pag may humintong dyip, sasakay kaagad ako. Ito na pala eh. “Hoy! bumababa ka, hahampasin kita ng dos por dos” banta sakin ng driver pagtapak ko sa dyip niya. Sa hilatsa ng mukha niya, hindi siya nagbibiro. Bumaba na lang ako sabay sigaw ng “PUTANG INA MO, MABANGGA KA SANA”.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento